questions of faith
Dear Papa Jesus, Baka po napapakunot na naman ang noo niyo pag nagpaparamdam ako. Sabihin niyo, ‘Nakupo, andito na naman ang salbaheng batang ‘to. Ano na naman ba kailangan mo?’ Pasensiya na po, alam kong nakukulili na kayo sa akin pero may mga tanong lang akong naghahanap ng kasagutan.
Pano po ba kung dalawang koponan ng basketbol ang nagdarasal sa inyo para manalo, tulad ng taunang banggaan ng Ateneo vs Dela Salle, sino bang pinapanigan mo? ‘Yun bang nagsa-sign of the cross muna, o yung pinakaelitistang napapa-umaygad? Omigawd. Omaygad. Akseptabol ba sa ‘yo ang OMG? Opo, parang txt na nga mag-usap mga tao ngayon, paiklian. Meron nga akong bagong salitang ibibida sa inyo ngayon heto. LOL. Labyu O Lord. Kala mo ha. Hehe.
Tingin ko lang, parang masyadong one-way communication ‘yung dasal. ‘Yung nagdarasal lang ang panay ang daldal. Wala po ba kayong balak na gawan ng pagbabago ‘yung sistema. Halimbawa, nagdasal ako ngayong umaga, mamyang hapon ay may sagot na kung pwede ba o hindi pwede. Pwedeng daanin sa mga signs ang sagot. Pag oo, pwedeng patamaan ng kidlat ang kausap ko, pag hindi naman, pwedeng mahulugan ng bilboard sa EDSA ang boss ko. Mga ganung signs. Mas okey sana ‘yung malalaman mo na ‘yung sagot kung may tsansa ba o wala kaysa nakabitin sa hangin. Tingin ko tuloy, parang sugal ang pagdarasal, hindi mo alam kung matutupad ang mga minimithi mo o hindi. Pano kung ang isang babae nagdasal na gustong magkaanak. Mahirap kasing paghintayin mo pa ng tatlumpung taon tapos ang sagot pala ay hindi. Mas mainam sana kung may sagot ka nang ‘Anak, hindi ka pwedeng mabuntis. Sori, pero hindi talaga nakakabuntis ang kandila’. Mas mainam na nagkakaintindihan.
Ang hina ko nga sa inyo. Alala niyo pa po ba ‘yung dasal ko noon? Sabi ko, pag hindi mo ko ginawang lawyer, magiging hubadero na lang ako sa isang strip club o kaya miyembro ng budol-budol gang. Alam mo namang sa pagiging liar lang ako magaling. Syempre di ka man lang natinag. Kung abugado na sana ako ngayon, e di marami na sana akong mahihirap na natutulungan. Siyempre, konting pakonsuwelo na din na meron akong dalawang Jaguar o Chrysler na tsikot. Saka malaking bahay. Saka rancho. Etc.
Saan po ba kayo naggi-gym noong panahon nyo? Ako, kahit siguro lifetime akong mag-gym hindi ako magkakaroon ng ganyang abs. Nakakainggit kasi ‘yung abs niyo, six packs, borderline 8 packs pa nga. Yan po ba ‘yung tinatawag na karpintero exercise. Pero buti na lang fitness buff kayo kasi pano na lang kung butchog kayo tapos nakapako kayo ng paganyan sa krus, parang comedy tignan. Di ko yata kayang magdasal ng masinsinan sa inyo kung ganun.
Sobrang commercialized na po ang mundo. Pansin niyo po ba? Kabi-kabilaan ang sandamakmak na billboards at commecial ads. Ibang iba nung kapanahunan mo. Baka nga magulat ka pagbalik mo dito sa mundo alukin ka ng endorsements ng kung anu-anong produkto. ‘Ang pagbabalik ni Jesus Christ ay hatid sa inyo ng Mabuhay Miles! Sayang ang miles’. Walang kawala pati ang mahaba mong buhok, ‘Ang long curly black hair ni Jesus Christ ay hatid sa inyo ng Sunsilk Shampoo. Because life can’t wait’. Ganun na nga po.
Bakit po ba matalim tumingin si Pope Benedict? Magkamag-anak po ba si Uncle Fester ng Addams Family at si Pope Benedict? May similarities kasi sila. Galit ba siya palagi o nangtataboy lang siya ng mga bad spirits? Siguro hindi pa lang po ako sanay kasi mula’t sapul si Pope John Paul na ang nakagisnan kong Pope. Pero okey na din ‘yun kasi mas matatas naman managalog si Pope Benedict pag Angelus sa Roma kesa kay Pope John Paul.
Sana masanay na po kayo sa kakulitan ko. Di bale, di na ako mangungulit palagi. Musta nga pala tatay ko diyan sa langit? Nakapasok din po ba siya diyan? Pakituruan na lang po ng leksiyon baka minsan nakikipag-kerengkengan na sa mga anghel. Di ba niya alam na walang pekpek ang mga anghel. Baka magselos Mommy ko. Saka pakibantay na din po. Mahilig ang tatay ko sa pritong manok at tinola. Baka mapagtripan niya ‘yung manok ni San Pedro e di lagot. Sige po, sabi nga naming mga super totful na Pinoys, Ingats!